CHAPTER 68
In Capital City of Sartores
Maingay ang town market ng Sartores. Maraming commoners ang nagsisiksikan sa maliliit na puwesto, may mga kumakain, nagkukuwentuhan, at nagrereklamo tungkol sa kanilang mga problema.
Sa isang gilid ng pamilihan, isang tindera ang nag-aayos ng kaniyang mga paninda nang mapansin niyang umiiyak ang isang babae sa kabilang mesa.
"Uy, bakit ka umiiyak?" tanong ng tindera.
Pinunasan ng babae ang kaniyang mga mata. "Kinukuha na naman nila ang kalahati ng ani namin."
"Ang buwis ng Holy Cathedral?"
Tumango ang babae. "Oo. Kailangan daw naming magbigay ng bahagi ng ani, kita, pati mga alagang hayop. Pero paano na kami? Kaunti na nga lang ang ani namin, kukunin pa nila."
Napailing ang isang matandang lalaki na nakikinig sa kanilang usapan.
"Sa amin naman, kinuha nila ang dalawang kambing namin dahil hindi namin kayang bayaran ang buwis."
"At kapag hindi ka makapagbayad," singit ng isa pang lalaki, "ipapahiya ka nila sa harap ng buong bayan. Tatawagin kang makasalanan at walang utang na loob sa Dakilang Diyosa."
Napayuko ang babae. "Nagkautang din kami sa Holy Cathedral para mabayaran ang buwis noong nakaraang taon."
"At nabayaran niyo na?"
Umiling siya. "Mas lalo lang lumaki ang utang. Hindi na namin alam kung paano namin iyon mababayaran."
Napabuntong-hininga ang tindera.
"Ang hirap na nga ng buhay, lalo pa nilang pinapahirapan."
"Mas malala pa sa gamot," sambit ng isang lalaki mula sa kabilang mesa. "May isang manggagamot na nakagawa ng gamot para sa sakit ng anak ko, pero ipinagbawal ng Holy Cathedral dahil hindi raw ito aprubado ng kanilang mga manggagamot."
"Kung ganoon, saan niyo dinala ang anak mo?"
"Sa manggagamot na inaprubahan nila. Pero napakamahal ng bayad."
Tumahimik siya sandali. "Kaya napilitan akong mangutang."
"Sa Cathedral din?"
Tumango siya. "Ngayon, may utang na naman ako sa kanila... hay buhay..."
Napabuntong-hininga ang matandang babae sa tabi niya.
"Buwis sa ani. Buwis sa kita. Kukunin pati alagang hayop. Kapag nagkasakit ka, kailangan mong magbayad para sa gamot. At kapag wala kang pera, uutang ka sa kanila."
Napailing siya. "Parang kahit saan tayo pumunta, sa Holy Cathedral pa rin tayo napupunta."
Tahimik na napatingin ang mga commoner sa isa't isa. Hindi na lamang gutom at kahirapan ang kanilang problema. Unti-unti na ring nawawala ang kalayaan nilang mamuhay.
Sa isang tahimik na bahagi ng town market, may dalawang binatang magkatabing nakaupo habang tahimik na kumakain. Paminsan-minsan ay palihim silang nagkakatinginan, ngunit agad ding umiiwas kapag may dumadaang ibang tao.
Napansin iyon ng isang matandang tindera.
"Kayong dalawa, bakit parang balisa kayo?" tanong niya.
Napahinto ang isa sa pagkain at agad na napatingin sa paligid.
"Ah... wala po..."
"Sigurado ka, toy?"
Sandaling nagkatinginan ang dalawang binata bago tuluyang yumuko ang isa.
"Kapag nalaman ng Holy Cathedral kung a-ano k-kami..." mahina niyang sambit.
"Kung ano kayo?"
Hindi siya agad nakasagot. Ang kasama niya ang sumagot.
"Mahal namin ang isa't isa, Ate Tess."
Nanahimik ang tindera.
"Alam niyo naman ho ang batas," bulong ng unang binata. "Ipinagbabawal ng Holy Cathedral ang ganitong relasyon. Sinasabi nilang labag ito sa batas ng Dakilang Diyosa."
"At kapag nalaman nila?" tanong ng tindera.
Napahigpit ang hawak ng binata sa kaniyang kutsara.
"Mahigpit ang parusa. Maaari kaming bitayin o hatulan nang malubha dahil lamang sa paglabag sa batas ng Holy Cathedral."
Napatingin ang tindera sa kanilang dalawa. "Kung ganoon, bakit kayo nandito?"
"Pagod na kaming magtago," sagot ng isa, halos pabulong. "Gusto lang naming kumain nang magkasama nang hindi natatakot na may makakakita sa amin."
Sa paligid nila, patuloy ang ingay ng pamilihan, ngunit para sa dalawang binata, tila bawat boses ay isang banta na maaaring may makarinig ng kanilang lihim.
Sa kabilang bahagi naman ng pamilihan, isang biyuda ang nakikipagtalo sa isang lalaki tungkol sa kaniyang ari-arian.
"Ito ang iniwan ng asawa ko sa akin! bakit kailangan ko pang ibigay sa isang lalaking kamag-anak niya?!"
"Ganito ang batas," sagot ng lalaki. "hindi mo maaaring pamahalaan nang mag-isa ang ari-arian ng iyong asawa. Kailangan mong magkaroon ng lalaking kamag-anak na siyang mangangasiwa nito."
"Pero akin ito. Ako ang asawa niya. Ako ang nag-alaga sa kaniya hanggang sa huling hininga niya! karapatan ko 'to!"
Sa ilalim ng mga batas ng Holy Cathedral, mahigpit na kontrolado ang mga biyuda.
Kapag namatay ang isang lalaki, hindi awtomatikong napupunta sa kaniyang asawa ang buong karapatang mamahala sa ari-arian, lupain, negosyo, o kayamanang naiwan niya.
Sa halip, kailangang may isang lalaking kamag-anak na umako ng responsibilidad sa pamamahala nito.
Sa ibang bahagi naman ng pamilihan, may mag-amang nagtatalo. Nanginginig ang anak habang pilit na pinipigilan ang kaniyang mga luha.
"Pa! ayoko magkaanak! ayoko nito! h-hindi! p-paano ko mamahalin ang isang anak kung g-galing naman s-sa panggagahasa?!"
Napayuko ang kaniyang ama, halatang hindi alam kung paano siya tutulungan.
"Pasensya ka na, anak... m-may kaya ang tiyuhin mo. W-wala tayong laban doon... labag din sa batas ang pagpapalaglag..."
Napatingin sa kaniya ang anak, puno ng sakit at galit ang mga mata.
"Sinira ng kapatid mo ang buhay ko, Pa!"
Natahimik ang kaniyang ama.
"Anak..."
"Kasalanan ko ba ang ginawa niya sa akin? Bakit ako ang kailangang magdusa? Bakit ako ang kailangang sumunod sa batas nila?!"
Hindi nakasagot ang kaniyang ama.
Napayuko lamang siya habang marahang hinahawakan ang kamay ng kaniyang anak.
"Pasensya ka na... Hindi kita kayang ilaban sa kanila nang mag-isa."
Napapikit ang babae habang tuloy-tuloy ang kaniyang pag-iyak.
Isa rin sa mga batas ng Holy Cathedral, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpapalaglag.
Itinuturing nila itong paglabag sa batas ng Dakilang Diyosa at isang mabigat na kasalanan.
Kahit ang isang babae ay hindi handang magkaroon ng anak, hindi niya maaaring basta-basta wakasan ang kaniyang pagbubuntis nang walang kinatatakutang parusa.
Mas mabigat ang sitwasyon para sa mga babaeng walang pera o impluwensiya. Kapag nalaman ng mga opisyal ng Holy Cathedral na may pagtatangkang magpalaglag, maaari silang parusahan, ipahiya sa harap ng komunidad, o piliting humarap sa mga awtoridad ng Holy Cathedral.
Hindi rin nila kinikilala ang dahilan ng babae. Kahit nagmula sa karahasang ginawa sa kaniya ang pagbubuntis, itinuturing pa rin ng batas na kasalanan ang pagpapalaglag. Sa mata ng Holy Cathedral, ang batas ng relihiyon ay higit na mahalaga kaysa sa personal na kalagayan ng isang babae.
Sa paligid nila, nanatiling tahimik ang ilang commoner na nakarinig sa kanilang usapan. Walang nangahas na makialam, sapagkat alam nilang maaaring sila rin ang maparusahan kapag sumalungat sa batas ng Holy Cathedral.
"Ang lala, Bigote... simula nang lumaki ang impluwensya ng Holy Cathedral, mas naging kawawa tayong mga mahihirap. Mas lalo pang lumala ang buhay natin dahil sa mga buwis at utang."
"Noon, kahit mahirap tayo, nakakaraos pa rin. Ngayon, halos lahat ng kinikita natin, napupunta sa buwis. Kapag hindi sapat, uutang tayo sa Cathedral. Tapos kapag hindi natin mabayaran, lalo lang lalaki ang utang natin." ani Pilay.
"At kapag wala ka nang maibigay, kukunin nila ang lupa mo, o kung ano man ang mayroon ka."
Napailing si Bigote habang patuloy na kumakain. "Ang masama pa, wala tayong mapagsabihan. Sila ang gumagawa ng batas, sila rin ang nagpapatupad nito."
"At tayo ang laging nagdurusa."
Saglit silang natahimik habang pinagmamasdan ang mga taong nasa paligid nila.
"Kung magpapatuloy ito," mahina ngunit seryosong sambit ni Pilay, "hindi ko alam kung hanggang kailan 'to kakayanin ng mga ordinaryong mamamayan."
"Hindi talaga ako pabor sa paglaki ng impluwensya ng Holy Cathedral. Simula nang naging emperor ang kapatid ni Prinsipe Vincenzo, lalo lamang tayong nahihirapan," ani Bigote habang marahang ibinababa ang kaniyang kutsara.
"Ayan nga ang sinasabi ko... simula nang lumaki ang impluwensya nila, mas naging kawawa tayong mga mahihirap. Mas lumala ang kahirapan dahil sa mga buwis at utang. Kahit anong gawin natin, parang hindi na tayo makaalis sa pagkakautang."
Napailing si Pilay. "Mas malala pa kapag nagkasakit ang pamilya mo. Kailangan mong pumunta sa manggagamot na aprubado ng Cathedral, at hindi naman mura ang bayad. Kapag wala kang pera, uutang ka na naman."
"At kapag hindi mo nabayaran, kukunin nila ang ari-arian mo."
"Kaya nga gusto ko ulit umalis sa bansang ito at bumalik sa Emberman. Gusto kong magtrabaho muli sa Quentior Palace. Sa Emberman, hindi pa ganoon kalaki ang impluwensya ng Holy Cathedral. Tuso raw kasi ang Archduke.
Mataas din ang posisyon niya kaya hindi basta-basta makapanghihimasok ang Holy Cathedral sa kaniyang nasasakupan."
Tumango si Pilay. "Narinig ko rin iyon. Sabi nila, hindi madaling mapasunod ng Holy Cathedral ang Archduke ng Emberman."
"Oo. Kaya mas gusto ko roon. Kahit papaano, mas malaya ang mga tao at hindi ganoon kabigat ang kamay ng Holy Cathedral."
Napabuntong-hininga si Bigote.
"Kung ako sa'yo, aalis na rin ako rito habang kaya pa. Dito sa Sartores, pakiramdam ko bawat taon ay lalo lamang lumalaki ang impluwensya nila."
"Tama ka." saglit siyang tumingin sa paligid bago muling nagsalita.
"Kung magpapatuloy ito, baka dumating ang araw na pati paghinga natin kailangan na nating bayaran ng buwis."
Napatawa si Pilay, ngunit agad ding nawala ang kaniyang ngiti.
"Mas mabuti nang umalis habang may pagkakataon pa."
Tumango si Bigote. "Lalarga ako ulit doon sa Emberman. Doon na lang ako magsisimula ulit."
Napalingon ang dalawa nang may biglang may isang babae sa gitna ng pamilihan ang nagwala.