Chapter 59 #3
Bahagya siyang huminto.
"But let me make one thing clear. I am not forcing anyone. Walang sinuman ang obligadong pumunta sa Drazoneya. If you choose to answer this call... it will be by your own will. And if you return with a dragon that chooses to stand beside our Empire... the Crown shall never forget your loyalty."
Nanlaki ang mga mata ng buong bulwagan.
Nagkatinginan ang mga Prime Ministers, ang Imperial Cabinet, at ang mga maharlika, na tila hindi makapaniwala sa kautusang katatapos lamang ipahayag ng emperor.
Alam nilang napakadelikado nito.
Hindi basta-bastang lupain ang Drazoneya.
Isa iyong sagradong teritoryo ng mga dragon, isang lugar na maging ang pinakamalalakas na mages ay umiiwas pasukin.
Maraming alamat ang nagsasabing walang taong nakakapasok doon nang walang pahintulot ng mga dragon...
at mas kakaunti pa ang mga nakalalabas nang buhay.
Unti-unting nabalot ng mababang bulungan ang buong Imperial Court.
Takot.
Kasabikan.
At kasakiman.
Lahat ng iyon ay sabay-sabay na sumilay sa mga mata ng mga nasa bulwagan.
Three days later...
Unti-unti nang bumabangon ang Capital City ng Sartores mula sa pinsalang iniwan ng digmaan.
Muling nagsimula ang pagtatayo ng mga nasirang gusali, habang ang mga nayon na malapit sa Imperial Palace na kalahati ring natupok ng apoy ay nagtutulungan upang maibalik ang kanilang kabuhayan.
Makikitang sama-samang nag-aayos ng mga tahanan ang mga mamamayan, nagtutulungan ang mga manggagawa, at muling bumukas ang ilang tindahan sa gitna ng mga guhong unti-unting nililinis.
Ngunit kahit nagsisimula nang bumalik ang sigla ng kabisera...
Hindi pa rin nawawala ang takot at galit ng mga tao kay Rassia Saint Quentin.
Sa bawat wasak na tahanan, sa bawat pamilyang nawalan ng mahal sa buhay, at sa bawat bakas ng apoy na naiwan sa lungsod, paulit-ulit na binabanggit ang pangalan ng Demonyong Prinsesa.
Gayunpaman, hindi rin nagkakaisa ang opinyon ng mga mamamayan.
May ilan na buong pusong sumusuporta kay Emperor Lurtheron.
"Pinili siya ng Dakilang Diyosa!"
"Kung nasa panig niya ang Holy Cathedral, tiyak na gagabayan siya ng Dakilang Diyosa!"
Ngunit hindi lahat ay ganoon ang pananaw. May mga mamamayan ding tahasang kinukuwestiyon ang kaniyang kakayahan.
"Dasal lang ba ang panlalaban sa digmaan?"
"Kayang bang pigilan ng pananampalataya ang mga dragon?"
Sa gitna ng mainit na usapan, isang lalaking may makapal na bigote ang tahimik na nagsindi ng kaniyang tabako. Humithit muna siya bago marahang nagbuga ng makapal na usok.
"Mukhang hindi pa ito ang huling digmaan...
kung totoo ngang patay na ang dati nating Crown Prince na si Vincenzo, na mayroon palang dugong Erenhal, ang dugo ng mga bampira-nakakatawa, 'no?
Tinawag natin siyang traydor, kinatakutan, at isinumpa.
Pero sa tuwing may mga halimaw na sumusugod sa hangganan, siya ang laging nasa unahan ng labanan.
Habang tayong lahat ay nagtatago sa likod ng mga pader, siya ang nakikipaglaban para sa Imperyo.
Hindi ko ipinagtatanggol ang mga kasalanan niya...
pero wala akong maalalang pagkakataong tinalikuran niya ang mga tao sa oras ng panganib.
Ngayon, kung wala na nga siya... paano na tayo?
kung sakaling dumating ang susunod na digmaan...
sino na ang haharap sa mga halimaw? Who will save us?"
Isang lalaking pilay ang dahan-dahang lumapit sa puwesto ng tindera at bumili ng ilang prutas. Nang marinig niya ang sinabi ng lalaking may bigote, napailing lamang siya bago marahang nagsalita.
"Mukhang iniidolo mo ang traydor na iyon, ah. May dugong Erenhal ang lalaking 'yon... dugong bampira. Kung tutuusin, sapat na 'yon para katakutan siya."
Saglit siyang tumigil habang inaabot ang bayad sa tindera.
"Pero kahit ako... napapaisip na rin. Tunay nga bang karapat-dapat siyang tawaging traydor? Sa tuwing may mga halimaw na sumusugod, pangalan niya ang laging naririnig sa mga ulat. Hindi mga duke. Hindi mga ministro. Kundi siya. Kung traydor nga siya...
bakit parang siya lang ang hindi kailanman umatras sa bawat digmaan?"
Umiling ang lalaking may bigote. Humithit siya sa kaniyang tabako bago marahang nagbuga ng makapal na usok. Pagkatapos ay napatawa siya nang pabiro.
"Hah! Kung sakaling buhay pa ang mga Erenhal... o bumalik man sila balang araw, baka sa kanila na lang ako kumampi."
Napailing siya bago nagpatuloy. "Sa totoo lang, hindi rin ako naniniwalang tuluyan na silang naglaho. Kung iisipin mo... bakit may dugong Erenhal si Prinsipe Vincenzo? Kung wala nang natitirang Erenhal sa mundong ito, saan nanggaling ang dugong dumadaloy sa kaniya?"
"Hindi mo ba narinig, Bigote?" tanong ni Pilay habang bahagyang tumatawa.
"Sabi sa mga diyaryo, apo raw si Prinsipe Vincenzo nina Emperor Drakkon at Marchioness Lisarandra. Si Marchioness Lisarandra ang ina ng dating Empress Shanaya Quin. Si Prinsipe Vincenzo pa nga mismo ang nagsasabing reinkarnasyon daw si Marchioness Lisarandra ng Unang Empress na si Elizabeta."
Napakamot siya sa ulo at napailing.
"Naku... kung gano'n, mukhang nagloko nga si Marchioness Lisarandra. Sa dami ba namang eskandalong lumalabas tungkol sa mga maharlika..."
napabuntong-hininga siya. "Mas mabuti na sigurong simpleng mamamayan na lang ako.
Ayoko talagang madamay sa gulo ng mga pamilyang 'yan." napahalakhak ang lalaking pilay.
Napangiti rin ang ilang mamamayang nakarinig sa kanilang usapan, ngunit mabilis ding naglaho ang mga ngiti sa kanilang mga labi.
Dahil alam nilang... sa panahon ng kaguluhan, kahit ang isang biro ay maaaring maglaman ng katiting na katotohanan.
"Kung posible ngang buhay pa ang mga Erenhal at nagtatago lang..." ani ni Bigote habang natatawa. "Sana naman kapag bumalik sila, unahin nilang ayusin ang Holy Cathedral kaysa sakupin ang Imperyo."
Napahalakhak si Pilay.
"Talagang wala kang sinasanto, Bigote! Baka marinig ka ng mga pari, ipakulong ka pa."
Lalo lamang natawa si Bigote bago marahang umiling.
"Hah... biro lang 'yon."
Unti-unti ring nawala ang kaniyang ngiti.
"Pero kung tutuusin... mas kinatatakutan ko pa ang mga taong gumagamit sa pangalan ng Dakilang Diyosa kaysa sa mga Erenhal."
Kumunot ang noo ni Pilay. "Bakit mo naman nasabi 'yan?"
Tumingin si Bigote sa paligid upang tiyaking walang nakikinig. Marahan siyang lumapit kay Pilay at halos pabulong na nagsalita.
"Hindi mo ba alam, Pilay? Marami sa mga nasa Holy Cathedral ngayon... corrupt na. Hindi ko sinasabing kasali roon ang dating Cardinal Prince na ngayo'y si Emperor Lurtheron. Mabuting tao naman daw 'yon. Pero pakiramdam ko... nagbubulag-bulagan lang siya sa mga nangyayari sa loob ng Cathedral."
Kumunot ang noo ni Pilay. "Talaga?"
"Alam mo 'yong mga may malulubhang sakit na kahit mga healer hindi na kayang pagalingin? Pinapapunta sila sa Holy Cathedral. Sasabihin sa kanila na ipagdarasal ang sugat nila, na bibiyayaan sila ng Dakilang Diyosa at gagaling sila..." iling ni bigote.
"Pero bago sila ipagdasal... kailangan muna nilang magbigay ng malaking donasyon. Kapag wala kang maibigay... maghihintay ka... at kung mahirap ka... madalas, uuwi ka na lang nang walang natanggap na tulong."
Tahimik na napalunok si Pilay.
"Kung totoo man ang sinasabi mo... napakasama naman niyon. Balak ko pa naman sanang pumunta roon. Baka sakaling pagpalain ng Dakilang Diyosa ang paa ko... pero kung kailangan pala ng malaking donasyon..."
Napangiti siya nang mapait. "Wala pala akong pag-asa."
Kumuha si Bigote ng isang saging mula sa basket ni Pilay at agad iyong binalatan.
"Hoy! Bayaran mo 'yan," reklamo ni Pilay, ngunit napailing na lamang nang kagatin ni Bigote ang saging.
Habang ngumunguya, mapait siyang napangiti.
"Kaya kung buhay pa sana ang mga Erenhal... hindi nila hahayaang mangyari 'yan."
Bahagya siyang tumingin sa malayong tore ng Holy Cathedral.
"Nabasa ko sa isang lumang aklat na noong panahon ng Unang Emperor, si Drakkon Vykar de Erenhal, may imperial decree na ipinagbawal ang sapilitang paghingi ng donasyon kapalit ng pagpapagaling, pagpapala, o anumang banal na serbisyo."
"Ang turo noon...'The blessings of the Great Goddess are never to be sold.'"
"Kaya pala sinasabing iba talaga ang Imperyo noon." napakamot sa ulo si Pilay.
Tumango si Bigote. "Ngayon kasi... mas mabigat pa yata ang laman ng bulsa kaysa laman ng puso."
Lumingon si Pilay kay Bigote, halatang may naisip.
"Teka nga... ba't ang dami mong alam tungkol sa mga Erenhal?
Alam naman nating bihira na ang mga librong tungkol sa mga bampirang 'yon.
Ang sabi-sabi, nasa loob na lang ng Holy Cathedral ang mga natitirang kopya at tanging mga matataas na opisyal lang ang puwedeng makabasa.
At saka..." napatawa siya. "Nakakapagsalita ka pa ng Ingles. Muntik ko na ngang maintindihan, eh."
Napangisi si Bigote. Huli siyang humithit sa kaniyang tabako bago itinapon at tinapakan ang upos.
"Hindi mo pala alam? Isa akong tagalinis at taga-ayos ng mga libro sa Quentior Palace."
Nanlaki ang mga mata ni Pilay.
"Ha? Sa palasyo ng mga Quentin?"
Tumango si Bigote.
"Sobrang laki ng library nila. Libo-libong libro ang naroon. Doon ko nabasa ang maraming bahagi ng kasaysayan. Ang balita ko, hindi sinunog o ipinatapon ng House Quentin ang mga sinaunang aklat. Iniingatan nila ang mga lumang tala para may matutuhan pa rin ang susunod na henerasyon."
Kumunot ang noo ni Pilay.
"Pero hindi ba ipinagbawal na ang mga librong tungkol sa mga Erenhal? Ang alam ko, ang Holy Cathedral na lang ang pinahihintulutang magtago ng mga gano'ng aklat dahil sila ang tagapag-ingat ng mga sinaunang kasulatan."
Napatawa nang mahina si Bigote.
"Nakalimutan mo yata kung sino ang mga Quentin, Pilay."
Bumusangot ang tindera habang nakapamewang na tinitigan ang dalawa.
"Aba'y kayong dalawa! Mga kalalaking tao pero mas tsismoso pa kina Susan at Marites!" saway niya. "Kung wala naman na kayong balak bilhin, umalis na kayo riyan! Harang na harang pa kayo sa mga kostumer ko."
Tinuro pa niya ang mga basket ng prutas.
"O kaya naman, tulungan n'yo na lang akong magtinda kung puro daldalan lang ang alam n'yo!"