Chapter 59 #4

Napalingon siya kay Bigote at agad na napasimangot.

"At ikaw naman, Bigote! Pakiusap lang, ilayo mo nga 'yang tabako mo! Napakabaho ng usok! Baka pati mga mamimili ko magsitakbuhan!"

In the Unknown Sea...

Sa dulo ng kontinente ng Vermeleyon, kung saan ang malamig at nagngangalit na karagatan ay walang tigil na humahampas.

Isang karagatang nababalot ng makapal na hamog, malalalim na agos, at mga lihim na hindi pa kailanman natutuklasan ng tao.

Sa ilalim ng madilim na kailaliman...

Kung saan hindi naaabot ng liwanag ng araw...

Tatlong nilalang ang unti-unting lumulubog.

Ang pulang dragon na si Razareth.

Ang itim na dragon na si Dragoroth.

At si Rassia Saint Quentin.

Walang malay ang dalaga habang dahan-dahang inaanod ng malamig na agos. Halos wala nang bahaging hindi nababalot ng pasa at sugat ang kaniyang katawan. Dumadaloy pa rin ang dugo mula sa kaniyang ulo matapos marahas na tumama sa matutulis na bato nang siya'y bumagsak sa dagat.

Samantala, kapwa nakapikit ang dalawang dambuhalang dragon.

Nakabaon pa rin sa kanilang mga kaliskis ang mga sibat, espada, at palaso na tumama sa kanila sa gitna ng labanan.

May ilan pang bahagi ng kanilang katawan na patuloy na nagdurugo, habang ang kanilang napakalalaking pakpak ay tila wala nang lakas upang muling pumailanlang.

Tahimik lamang silang lumulubog...

Palalim nang palalim...

Patungo sa isang bahagi ng karagatang hindi pa kailanman narating ng sinumang tao.

Sa kabilang panig ng karagatan, kung saan nagsisimula ang karagatang nasasakupan ng kontinente ng Oseanus, nagliliwanag ang kailaliman na tila isang mundong hindi pa naaabot ng mga tao.

Namumukadkad ang mga naglalakihang coral na kumikislap sa iba't ibang kulay.

Ang mga halamang-dagat ay marahang sumasabay sa agos na tila nagsasayaw, habang ang maliliit na isda ay naglalaro sa pagitan ng mga batong nababalutan ng sinaunang lumot.

Maging ang mga higanteng kabibe at kristal na nakatanim sa sahig ng karagatan ay naglalabas ng banayad na bughaw na liwanag na nagbibigay-buhay sa madilim na kailaliman.

Sa gitna ng paraisong iyon...

Masayang lumalangoy ang isang sirena habang hinahabol siya ng isang malaking pating.

"Lafortessa!" sigaw ng isang malaking pating na mabilis na humahabol sa kaniya. "Sabi ko sa'yo, umuwi na tayo!"

Humagikgik lamang si Lafortessa habang umiikot sa isang malaking coral.

"Ang kulit mo talaga, Arki!"

"Wala na tayo sa Oseanus!" reklamo ni Arki. "Kontinente na ito ng Vermeleyon! Kapag nakita tayo ng mga salamangkero, siguradong mapapahamak tayo!"

Umikot lamang si Lafortessa habang nakangiti, tila hindi niya sineseryoso ang pangamba ng pating.

"Edi iwan mo ako rito, Arki!"

Agad na napahinto si Arki.

"Ano?"

"Kung gano'n lang naman ang problema, iyon lang ang solusyon." nagkibit-balikat si Lafortessa. "Iwan mo na ako rito. Pagkatapos, bumalik ka na lang at sabihin mong hindi mo ako nakasama."

"Princess Lafortessa, hindi gano'n kadali-"

"At kapag hinanap nila ako..." dagdag niya habang natatawang lumangoy palayo, "pagtakpan mo na lang ako. Ikaw na ang bahala."

"Tara na, Lafortessa!" reklamo ni Arki habang kinakabahang tumitingin sa paligid. "Malalagot ako sa Amang Hari! At paniguradong hinahanap ka na nila!"

Ngunit hindi man lang nagpahinto ang sirena. Patuloy lamang siyang lumangoy habang puno ng saya ang kaniyang mukha.

"Hayaan mo na ako, Arki. Uuwi rin naman ako."

Ngumiti si Lafortessa at bahagyang umikot sa tubig.

"Gusto ko lang naman makasilay ng isang salamangkero! Kahit isang beses lang. Pagbigyan mo na ako."

Napabuntong-hininga si Arki.

"Princess, hindi ito simpleng pamamasyal..."

Ngunit hindi na siya pinansin ni Lafortessa.

"Alam mo ba, Arki? Sabi nila, ang mga salamangkero ng Vermeleyon ay kahanga-hanga. May mga mage raw na kayang magpatawag ng apoy na parang araw, may mga gumagamit ng hangin na kayang baguhin ang direksyon ng mga alon,

at may iba naman na kayang gumamit ng mahika na tila hindi kayang unawain ng ibang nilalang."

Kumikislap ang mga mata ni Lafortessa habang nagsasalita.

"Sinasabi rin nila na ang mga makapangyarihang mage ay may napakalakas na presensya. Matatapang, makikisig, at matitipuno raw sila..."

Napangiti siya.

"Gusto ko lang makita kung totoo ba talaga ang mga kuwento."

Ngunit habang patuloy siyang humahanga sa mga kuwento tungkol sa mga mage...

Unti-unting itinaas ni Arki ang kaniyang tingin.

Nanigas ang kaniyang katawan.

Mula sa madilim na kailaliman ng dagat, may malalaking anino ang dahan-dahang lumulubog.

Napakabigat ng presensya ng mga iyon.

Ang mga isda sa paligid nila ay nagsitakas, at maging ang agos ng tubig ay tila umiwas sa mga nilalang na iyon.

"L-Lafortessa..."

Mahina niyang tawag.

Ngunit patuloy lamang ang sirena.

"At sabi nila, kapag nakaharap mo ang isang tunay na mage, mararamdaman mo agad ang kanilang mana. Para bang sinasabi ng mundo na nasa harapan mo ang isang espesyal na nilalang..."

"L-Lafortessa..." mas lumakas ang boses ni Arki. Ngunit hindi pa rin siya pinansin ng sirena.

Magsasalita sana si Lafortessa nang bigla siyang natigilan.

Sa pagitan ng naglalakihang coral at mga kumikislap na kristal sa kailaliman ng dagat...

May isang napakalaking anino ang dahan-dahang gumalaw sa ilalim nila. Unti-unting humawi ang mga halamang-dagat habang isang dambuhalang nilalang ang lumulubog mula sa madilim na bahagi ng karagatan.

Napataas ang tingin ni Lafortessa. Sa una, akala niya ay isa lamang itong malaking nilalang ng dagat...

Ngunit habang mas lumilinaw ang anyo nito...

Nanlaki ang kaniyang mga mata. Napansin niya ang malalaking pakpak, ang napakalalaking kaliskis, at ang presensyang tila nagpapabigat sa buong karagatan.

"A-anong mga nilalang i-iyan?" kabang tanong ni Arki. Nanginginig ang boses ng pating habang hindi maalis ang tingin sa mga dambuhalang anino.

Dahan-dahang napahawak si Lafortessa sa kaniyang bibig.

"Mga dragon..." mahina niyang sambit. Ngunit bago pa siya makapagsalita muli, may isa pa siyang napansin.

Sa pagitan ng dalawang dambuhalang nilalang...

May isang babae.

Isang binibining walang malay na inaanod kasama ng mga dragon sa malamig na kailaliman.

Nanlaki pa lalo ang mga mata ni Lafortessa.

"At... isang binibini?"

Napaatras si Arki. "Isang tao?"

Tahimik silang parehong nakatinginan.

If ads affect your reading experience, click here to remove ads on this page.