CHAPTER 60

In the Unknown Sea

Dahan-dahang napalunok si Lafortessa habang pinagmamasdan ang tatlong nilalang na patuloy na lumulubog sa kailaliman.

"Tara, Arki!" mabilis niyang saad. "Lapitan natin ang binibini!"

Hindi na niya hinintay ang sagot ng kaniyang kasama at agad na mabilis na lumangoy patungo sa babaeng walang malay.

"Mukhang galing siya sa labanan..." bulong niya habang pinagmamasdan ang mga bahid ng dugo at mga sugat sa katawan ng babae. "Hindi natin puwedeng pabayaan na lang siya rito."

Bahagya siyang napangiti. "At saka... napakaganda niya para hayaang kainin ng mga isda."

"Lafortessa!"

"T-Teka! Lafortessa!" tarantang sigaw ni Arki habang mabilis siyang sumusunod. "Baka nakakalimutan mo na may dalawang halimaw sa tabi niya! paano kung bigla silang magising at kainin ako?!"

Napatawa nang mahina si Lafortessa at lumingon sa kaniya. "Ikaw ba ay nasisiraan ng ulo, Arki? kita mo namang hindi natin sila kauri. Mga nilalang sila ng kalangitan. Sa kalagayan nila ngayon, hindi sila makakagalaw nang maayos dito sa kailaliman."

Napailing na lamang si Lafortessa bago muling tumingin sa binibini. Habang papalapit sila, mas malinaw niyang nakita ang kalagayan nito.

Bahagyang nanlaki ang mga mata ni Lafortessa.

"Arki..."

"Bakit?"

"Humihinga pa ang binibini!"

Mabilis na lumangoy si Lafortessa at agad na sinalo ang katawan ng babae bago pa ito tuluyang lumubog sa mas malalim na bahagi ng karagatan. Marahan niyang hinawakan ang mukha nito at sinubukang gisingin.

"Binibini? naririnig mo ba ako?" marahang tinapik ni Lafortessa ang pisngi ni Rassia, ngunit wala siyang natanggap na tugon.

"Mukhang ilang araw na siyang lumulubog sa karagatan..." manghang sambit ni Arki habang maingat na pinagmamasdan ang babae. "Pero nakapagtataka... bakit hindi pa siya nalalagutan ng hininga?"

Hindi agad sumagot si Lafortessa. Muli niyang pinagmasdan si Rassia bago napunta ang kaniyang tingin sa dalawang dambuhalang dragon sa likuran nito. Mas malinaw na niyang nakita ang mga pana na nakabaon sa kanilang katawan at ang iba't ibang sugat na natamo ng mga ito.

Bahagya siyang napalunok. Kahit siya mismo ay nakakaramdam ng takot sa dalawang nilalang, hindi niya maipaliwanag kung bakit ayaw niyang iwan ang mga ito.

"L-Lafortessa!"

Biglang napalingon si Arki sa kaniyang likuran. Nanlaki ang kaniyang mga mata nang makita ang limang dambuhalang Gorgon na mabilis na papalapit sa kanilang direksyon.

"May mga paparating na Gorgon! mukhang naamoy nila ang tatlo at nais silang kainin!"

Mabilis na napalingon si Lafortessa. Agad na nagbago ang kaniyang ekspresyon nang makita ang mga nilalang na palapit nang palapit. Hindi na siya nag-aksaya ng oras. Mabilis siyang lumangoy kay Arki at maingat na inilagay ang walang malay na katawan ni Rassia sa likod ng malaking pating.

"Arki, ikaw muna ang bahala sa binibini. Ilayo mo siya rito."

"A-Ano?! paano ka?!"

"Ako na ang bahala sa mga dragon at sa mga Gorgon. Huwag kang mag alala, susunod ako..."

Marahan niyang iniangat ang isang kamay sa likuran ni Arki. Biglang lumitaw ang isang kumikislap na agos ng tubig na bumalot sa katawan ni Rassia, na para bang isang malambot na lubid na maingat na humawak sa kaniya upang hindi siya mahulog mula sa likod ng pating.

"Siguraduhin mong hindi siya mahuhulog."

Napatingin si Arki kay Rassia at saka kay Lafortessa.

Batid ni Arki na kayang-kaya ni Lafortessa na harapin ang mga Gorgon. Sanay na siya sa lakas ng prinsesa at alam niyang hindi ito basta-basta magpapatalo, kaya kahit may kaunti pa ring pag-aalala sa kaniyang dibdib, panatag siyang lumarga.

"Masusunod, Princess Lafortessa... ngunit mag-ingat ka pa rin. Hindi biro ang mga Gorgon!" sigaw ni Arki habang mabilis na lumalangoy palayo.

"O siya! dadalhin ko siya sa madalas nating puntahan malapit dito. Doon ako maghihintay sa'yo!"

Hindi na nakasagot si Lafortessa. Tanging isang maikling tango lamang ang ibinigay niya bago muling ibaling ang kaniyang atensyon sa paparating na mga Gorgon.

Makalipas ang ilang sandali, tuluyan nang nakalayo si Arki kasama si Rassia.

Napabuntong-hininga si Lafortessa nang makita niyang wala na sa kaniyang paningin ang pating. Sa wakas, maaari na niyang harapin ang mga Gorgon nang hindi na kailangang mag-alala kung masasangkot ang walang malay na binibini.

Dahan-dahan siyang humarap sa limang dambuhalang nilalang.

Nawala ang dating lambing sa kaniyang mukha at napalitan iyon ng malamig at seryosong ekspresyon.

Pumikit si Lafortessa at marahang pinagdidikit ang kaniyang mga palad. Unti-unting nagliwanag ang gintong perlas na nakasabit sa kaniyang kuwintas, at ang liwanag nito ay mabilis na kumalat sa madilim na kailaliman ng karagatan.

"Sumusumamo ako sa kaluluwa ng karagatan... dinggin mo ang aking panawagan."

Bahagya niyang ibinaba ang kaniyang ulo habang lalong lumalakas ang gintong liwanag mula sa perlas.

"Ako si Prinsesa Lafortessa Esmeralda Cassel, ang ikapitong anak ni Haring Calisto ng kaharian ng Vellaseia."

Muling bumuka ang kaniyang mga mata, at kapansin-pansing nagningning ang mga ito kasabay ng pag-ikot ng tubig sa paligid niya.

"Taglay ko ang isa sa pinakamakapangyarihang Perlas ng Karagatan. Sa ngalan ng karagatan, ipinag-uutos ko sa mga alon at agos nito na iligaw ang mga nilalang na paparating. Paikutin ninyo ang kanilang landas, baguhin ang direksyon ng tubig at ilayo sila mula sa lugar na ito.

Huwag ninyo silang hayaang mahanap ang mga sugatang nilalang na nasa aking pangangalaga."

Kasabay ng pagmulat ng mga mata ni Lafortessa, nagliwanag ang mga iyon ng matinding gintong liwanag. Biglang umugong ang buong kailaliman, na para bang tumugon mismo ang karagatan sa kaniyang panawagan.

Nagbago ang direksyon ng agos sa paligid ng limang Gorgon, at malalakas na daloy ng tubig ang mabilis na umikot sa kanilang mga katawan.

Paulit-ulit silang pinaikot ng naglalakihang alon, inililigaw ang kanilang landas at inilalayo sa kinaroroonan ng mga dragon at ng walang malay na binibini, hanggang tuluyan nilang mawala ang kanilang direksyon sa madilim na kailaliman.

Nang tuluyan nang mawala sa kaniyang paningin ang mga Gorgon, unti-unting bumalik sa dati ang karagatan. Nawala ang malalakas na agos, at muling naging payapa ang paligid. Maging ang mga isdang nagsitakbuhan kanina ay nagbalik sa kanilang mga kinaroroonan, tila ba walang nangyari.

"Hindi ko kayang saktan ang mga nilalang ng dagat..." mahinang sambit ni Lafortessa habang pinagmamasdan ang kailaliman.

Muli siyang humarap sa dalawang dambuhalang dragon.

Dahan-dahan niyang iniangat ang kaniyang kamay at itinapat iyon sa dalawang dragon. Handa na sana niyang gamitin ang kaniyang kapangyarihan upang bumuo ng mga tali mula sa tubig at itali ang mga ito upang hindi sila tuluyang maanod.

Ngunit bago pa man siya makapagsimula, biglang umikot ang tubig sa paligid ng dalawang dragon.

Napakurap si Lafortessa.

Mula sa mismong karagatan ay nabuo ang mahahabang tali ng tubig na marahang pumulupot sa mga katawan ng dalawang dambuhalang nilalang. Hindi masakit ang pagkakabigkis ng mga ito, sapat lamang upang hindi gumalaw o tuluyang lumubog ang mga sugatang dragon.

Unti-unting ibinaba ni Lafortessa ang kaniyang kamay.

Napangiti siya nang bahagya. "Mukhang ayaw mo rin silang pabayaan, Karagatan."

"Ako'y nagagalak sa iyong mabuting puso, isa sa mga prinsesa ng karagatan. Panatilihin mo ang kabutihan ng iyong puso at pangalagaan mong mabuti ang iyong Perlas. Habang tinig mo'y patuloy na naririnig ng karagatan, hindi ka kailanman mag-iisa."

Ngumiti si Lafortessa nang marinig ang tinig ng kaluluwa ng karagatan.

Bahagya siyang napayuko bilang pasasalamat bago mabilis na lumangoy patungo sa lugar kung saan naroon si Arki.

Nakasunod sakanya ang dalawang dambuhalang dragon, na ligtas na nakagapos sa mga tali ng tubig na nilikha ng karagatan.

Sa wakas, nakahinga nang maluwag si Lafortessa. Mas lalo siyang bumilis sa paglangoy, sabik na ring makita kung kumusta na ang binibining walang malay.

Nang muling magtagpo sina Lafortessa at Arki, napagpasyahan nilang dalhin ang tatlong nilalang sa pinakamalapit na dalampasigan. Laking pasasalamat nila na gabi na, sapagkat mas mababa ang posibilidad na may makakita sa kanila.

Nang tuluyan silang makarating sa ibabaw ng karagatan, saglit silang huminto upang maghanda. Marahang inalis ni Lafortessa ang kaniyang kapangyarihang bumabalot kay Rassia at maingat na niyakap ang katawan nito mula sa leeg upang hindi ito tuluyang lumubog sa tubig.

"Ako na ang bahala sa kanila, Arki. Hindi ka maaaring lumapit sa dalampasigan. Maghintay ka na lamang dito at siguraduhing walang ibang nilalang na lalapit."

"Bilisan mo, Lafortessa. Tiyak na hinahanap na tayo sa Vellaseia, at malalagot na naman ako dahil hinayaan kitang umalis nang walang paalam."

Napabuntong-hininga si Arki bago muling tumingin sa dalampasigan. "Mag-ingat ka rin. Baka may makakita sa'yo. Kontinente na ito ng Vermeleyon, at hindi natin alam kung anong uri ng mga salamangkero ang naroon. Baka subukan ka nilang hulihin o pagsamantalahan."

Tumango si Lafortessa at mahigpit na hinawakan si Rassia.

"Huwag kang mag-alala. Babalik ako agad."

"Ayan ka nanaman sa paborito mong linya..."

Napangiti lamang si Lafortessa bago dahan-dahang lumangoy patungo sa dalampasigan.

Umangat ang tubig-dagat at marahang bumuo ng malalaking alon na maingat na nagdala sa dalawang dambuhalang dragon patungo sa dalampasigan. Dahan-dahan silang inilapag ng karagatan sa malambot na buhangin bago muling humupa ang mga alon at bumalik sa dati ang tubig.

Namangha si Lafortessa habang nakatingin sa dalawang nilalang. Ngayon lamang niya nakita nang ganito kalapit ang mga nilalang ng kalangitan, at higit na kapansin-pansin ang kanilang laki ngayong nakahimlay ang mga ito sa dalampasigan.

"Kamangha-mangha talaga ang mga lahing kalangitan..." mahina niyang sambit.

If ads affect your reading experience, click here to remove ads on this page.